ANG SYNODO AT ANG ATING PANANAMPALATAYA SA PANGINOON
August13,2017
ANG SYNODO AT ANG ATING PANANAMPALATAYA SA PANGINOON
Homiliya para sa Arkidiyosesis ng Lingayen Dagupan sa ika-13 ng Agosto, 2017
Itinuro sa atin ni Papa Benito XVI na nagsisimula ang pananampalataya sa pakikipagtagpo natin sa katotohanang higit kaysa sa ating mga sarili. Nagsisimula ang pananampalataya sa pagtanggap natin ng ating kaliitan sa harap ng kadakilaang nasa atin harapan.
Nagsisimula ang pananampalataya sa pagpapakumbaba
(humility).
Nang makita ng mga alagad si Hesus na lumalakad sa tubig, nasaksihan nila ang isang bagay na ni hindi pa sumagi sa kanilang isip. Hindi pa nila ito nararanasan. Sa kanyang paglubog sa tubig, mapagpakumbabang dumulog si Pedro, “Panginoon, tulungan mo ako.”
Sa Unang Pagbasa, bagamat inaasahan ni Elias na makakatagpo niya ang Panginoon sa malakas na hangin, sa lindol o sa nagbabagang apoy, dumating ang Panginoon sa paraang higit sa kanyang gunita – sa mahinahong simoy ng hangin. Nang naramdamang kapiling niya ang Diyos, mapagpakumbabang ikinubli ang mukha sa kanyang balabal at nagpugay sa pumaritong Bathala.
Sa sulat sa mga taga Roma, nabanggit din ni Pablo ang kanyang pagkamangha sa pagtanggi ng liping pinili na tanggapin si Hesus na kalahi nila. Ang habag ng Diyos ay higit sa pagkakaunawa ng tao.
Ang tunay na pagpapakumbaba ay nag-aanyaya sa atin tungo sa pamimitagan
(homage).
Ang maringal na mga hakbang ni Hesus sa mga alon at ang kayang pagka-Panginoon sa hudyat ng kanyang salita sa hangin at dagat ang nabunsod sa mga alagad na mamitagan kay Hesus at sambitin, “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.”
Ang mahiwagang kahinahunan ng isang munti at mahinahong tinig ang nagbunsod kay Elias na magkubli ng mukha. Ang pagkikipagtago sa Diyos ang nagbunsod sa kanya na ikubli ang kanyang mukha sa kanyang balbal upang magbigay galang sa Diyos.
Ipinapakita sa atin ni San Pablo na ang pamimitagan sa Diyos na nakatagpo niya sa pananampalataya, hindi sa madamdaming pahayag tulad ng mga alagad; hindi sa pagkukubli ng mukha katulad ni Elias, kundi ang pangarap na maligtas din ang mga kapwa Israelita.
Ang tunay na pamimitagan kay Kristo ay ipinakikita sa tunay na pagmamahal sa sangkatauhan
(humanity).
Inilahad ni Pablo ang nagbabgang hiling ng kanyang puso. Matapos makatagpo si Kristo, ninais niya na kaayin sa pananampalataya at kaligatsan ang kanyang mga kapatid. Ibinabahagi ang pananampalataya. Ang hatid na kaligtasan ni Hesus ay para sa lahat.
Bitbit ng Synodo ng Lingayen Dagupan, na ipagdiriwang mula ilawa hanggang ika-siyam ng Setyembre, ang mensahe ng Salita ng Diyos na ito.
Ang Synodo ay hindi lang pagpupulong na titipunin ng tao. Ang diwa ng Synodo ay ang Banal na Espiritu. Tungkulin ng Arsobispo at mga kasapi sa Synodo na mapagpakumbabang makinig sa mahinahong bulong ng tinig ng Diyos. Ang mga pananaliksik at pagususri para sa Synodo ay bunga ng panalangin na nakaugat sa kababaang loob at panahong itinangi para sa Diyos.
Marapat na akayin tayo ng Synodo sa pamimitagan at pagpupuri sa Diyos. Ang mga talakayan ay magpapahayag na ang Panginoon ay Diyos at siya lamang nararapat nating sambahin. Lahat ng mga ipaguutos at tatalakayin sa Synodo ay dapat magbunsod ng tunay na pamimitagan at pagpupuri sa Diyos. Ang Diyos ay sinasamba hindi lamang sa liturhiya kundi lalo na sa pagsasabuhay ng tagubulin ng Ebanghelyo sa ating mga buhay bilang pangsarili at pangpamayanan,
Ang Synodo ay gawaing pang-Simbahan ngunit hindi lang para sa Simbahan. Ito’y para sa sangkatauhan at para sa pagpapanibago ng lipunan. Pangarap natin ang pinagpanibagong Simbahan at sangkatauhan. Tayong lahat ang kikilos tungo sa lahat ng pagbabagong ito.