Homiliya sa ika-6 ng Agosto 2017 para sa Arkidiyosesis ng Lingayen Dagupan
Ipinagdiriwang natin ngayon ang pagbabagong anyo ni Kristo sa Bundok ng Tabor. Sa piling nina Pedro, Santiago at Juan, nagnining sa liwanag si Hesus. Nagpakita rin sa kanila sina Moises at Elias. Nangusap sa kanila si Hesus.
Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay pasulyap sa kaluwalhatiang naghihintay pagkatapos ng krus. Ipinamalas sa mga alagad ang pagbabagong anyo ni Kristo upang kapag dumatal na ang dilim at lagim ng Biyernes Santo, maaalala nila ang nasaksihan nilang kaluwalhatian ni Kristo at mananatili ang kanilang katapatan at pag-asa.
Ang pagbabagong-anyo ay hindi lang paunang pahatid ng kaluwalhatiang naghihintay kay Hesus. Ito’y maningning na paalala ng kaganapan ng buhay na mapapasaatin din.
Ang pagbabagong-anyo ay kuwento rin nating lahat. Sa pagbaling natin kay Kristong nagbagong anyo, hinahamon tayong bumaling rin tayo sa ating mga puso at kaluluwa. Hinahamon tayo na buong tapang na buwagin sa ating puso at kaluluwa ang lahat ng balakid na pumipigil sa ganap na pakikiisa natin kay Kristo.
Paanyaya ng pagbabagong-anyo ang pagbabagong buhay. Sa pagsulyap natin sa kaluwalahatian ni Kristo, kailanagn nating talikuran ang lahat ng salungat sa tunay na pakikipagkaibigan natin sa kanya. Hindi natin matatanggap ang luwalhati ng Tabor kung hindi natin iwawaksi ang putik ng kasalanan at kahihiyan.
Paanyaya ng pagbabagong anyo ang pagtulad kay Kristo. Inaanyayahan tayong tularan si Kristo at makipagpalagayang loob sa kanya. Sa pagtulad kay Kristo, papasok tayo sa malalim na pakikipaguganayan sa Diyos na walang hanggan.
Kapag tayo natulad kay Hesus, hinahamon tayo ng pagbabagong anyo na ipakilala siya sa mundo. Mula sa Tabor, humayo ang mga alagad upang tuparin ang misyon ng Panginoon. Marapat lamang na talikuran ang anumang maginhawa at madali ng sinumang magtuon ng kanyang puso sa pagtulad kay Hesus upang maipahayag ang kanyang Mabuting Balita.
Mula ikalawa hanggang ika-siyam ng Setyembre, pupulungin ang Synodo para sa Simbahan ng Lingayen Dagupan. Magtitipon ang Arsobispo, mga pari, laykong lingkod at mga relihiyoso upang tanawin ang kinabukasan ng Simbahan ng Lingayaen Dagupan sa susunod na sampung taon hanggang sa humantong sa inyong sentenaryo sa 2028.
Tulad ng pagbabagong-anyo, inaanyayahan tayo ng Synodo tungo sa pagbabagong buhay. Hinahamon tayong iwaksi ang lahat ng pamamaraan, paraan ng pamumuhay at mga nakagawiang salungat sa mga tungkulin ng siang Kristiyanong binyagan.
Tulad ng pagbabagong-anyo, ang layunin ng Synodo ay hubugin ang mga Katolikong mananampalatay na lalong maging katulad ni Kristo upang tayong lahat ay magningning hindi bilang mga pampelikulang bituin kundi bilang mga maningning na tanglaw ng mundo na tahimik na sinasalamin ang liwanag ni Kristo.
Ang Synodo ay panawagan na ipakilala si Hesus sa mundo. Marapat lamang na iwasan at talikuran ng Simbahan ng Lingayen Dagupan ang pagabaling at pagtuon sa sarili lamang. Tayo’y isinusugong magbigay buhay sa mundo.