Tagalog Translation of “Don’t Leave God When You Vote”
Mga kapatid kay Kristo sa Lingayen Dagupan:
Mahalaga ang lahat ng halalan. Ang pagboto ay kapangyarihan ng mga tao na pumili ng kanilang tagapamuno. Dito nakaugat ang demokrasya. Ang mga kandidato ay mga nais magka trabaho para sa mga bakanteng posisyon. Tayo ang boss nila. Kinakailangang mailahad nila ang kanilang pagiging karapat-dapat ng may kapakumbabaan at katapatan. Mayroon tayong tungkulin na masusing kilatisin sila, malaya sa anumang pamimilit, at suriin kung sila ay umaabot sa ating pamantayan. Tayo ang nagpapasya; hindi ang mga kandidato.
Maging mapanuring botante. Maging maka-Diyos na mga botante. Isaalang-alang ang pananampalataya sa pagpili. Huwag iwanan ang Diyos kapag bumoto.
Katuruan ng Simbahan
Sinabi ni Pope Benedict XVI na ang tamang pagsasabuhay ng demokrasya ang siyang pinaka mabisang paraan upang patatagin ang kinabukasan at kapakanan ng sankatauhan.
Ang karapatang bumoto ay may hangganan. Ito ay may pinag-uugatan. Ang kapangyarihang bumoto ay nakasalalay sa
katotohanan. Ang kapangyarihang bumoto ay nakasalalay sa tamang pag-unawa sa
dignidad ng tao.
Kung anong ugali ng mga namumuno ang ating iniluluklok ay nagpapahayag kung anong ugali ng tao tayo. Ang mga nananalo sa eleksyon ay sumasalamin sa mga pinahahalagahan at sa ninanais, sa mga pangarap at pag-asa ng mga taong bumoto sa kanila. Pwede rin itong magpakita ng ating lipunang tumatanda ng paurong.
Ayon sa ating karanasan, sa ating paggamit ng karapatang bumoto, ang mga pagpapahalaga at ang paniniwala ay nagiging madaling linlangin ng mga taong naghahanap ng marahas na kapangyarihan.
Sinabi ni San Juan Pablo II na ang
demokrasya na walang kabutihang pinanghahawakan ay maaaring maging madaling pangkubli sa diktadurya.
Kapag tayo ay bumoto na tila walang Diyos, ang bansa ang naghihirap. Nanganganib ang demokrasya.
Kapag ang pananaw natin ay ang relihiyon ay tumutukoy lamang sa pribadong mga bagay at hindi nito dapat saklawin ang ating pagpili sa pulitika, ang ating lipunan ang naghihikahos. Nasusugatan ang demokrasya.
At kapag ipinagpatuloy natin na ang kabutihang asal ay hindi kailangan masalamin sa serbisyong pampubliko, ang demokrasya ay unti-unti namamatay na hindi man lang namamalayan. At tayo ay mamamatay na ipinagkaitan ng kalayaan na hindi rin napansin.
Kapag inihiwalay natin ang relihiyon sa larangan ng pulitika,
ang pampublikong buhay ay natutuyuan ng layunin, ang pulitika ay nilalamon ng panunupil at panggigipit, ito ang babala ni Pope Benedict XVI.
Ang ating Sitwasyon: Ang 6 na K
Kamusta na tayo? Nasaan na tayo? Ano ba ang mga bagay na pwedeng ipagpatuloy at ano ang kailangan ng pagbabago?
Mayroon tayong anim na pangunahing alalahanin. Ang iba siguro ay maaaring magdagdag o magtanggal. Isaalang-alang natin: KAMATAYAN, KABASTUSAN, KORAPSYON, KAHIRAPAN, KASARINLAN at KASINUNGALINGAN
Hindi solusyon ang pagpatay; hindi nito nabigyan ng solusyon ang problema sa droga. Kailangan nating itanong bakit sila nalulong sa masamang bisyo? Saan nanggaling ang mga droga? Sino at saan ito nagmumula?
Nagpahayag si Dom Helder Camara ng katulad nito, kapag sinuportahan natin ang anti-drug campaign, sabi nila ay ay mabubutin Katoliko tayo. Ngunit kapag tinanong natin kung sino ang pinagmumulan ng droga, sinasabi naman nila na hinaharangan natin ang pag-unlad. Gusto lamang nila tayong magdasal para sa mga namatay ngunit kung magtanong tayo bakit sila namatay, nagagalit naman sila sa atin.
Ang kabastusan ay hindi likas sa Pilipino. Ang mga Pilipino ay mapagmahal sa Diyos. Balikan natin ang
Tunay na SAMPUNG UTOSng ating bayani na si Apolinario Mabini. Naroon ang pagiging isang tunay na Pilipino. Ito ang nagpapahayag ng tunay na diwang Pilipino.
Ang pagsasabi ng totoo ay nananatili pa rin na pinaka mainam na kabutihan; ito ay nararapat; ito ay mananatiling dapat. Walang lugar sa kalangitan ang mga sinungaling. Ang mga sinungaling na mga kandidato ay hindi dapat makatanggap ng boto. Ang mga sinungaling na mga kandidato ang magiging mga kurap na opisyal sa hinaharap. Ang fake news ang ugat ng kurapsyon. Ang kurapsyon ay umuusbong sa plastik na hardin ng fake news (huwad na balita).
Ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw.
Ang malinaw at makatotohanang programa sa mahihirap, sa mga walang bahay at may sakit, sa mga may kapansanan at sa mga walang trabaho-- ang dapat pagsumikapang harapin. Ang matatamis ng pangako ay matagal ng napako.
Ang makasariling pagkilos upang baguhin ang Konstitusyon at palakasin ang political dynasties ay hagupit sa mga mahihirap. Kung tayo ay hindi boboto ng maayos, marami pang kalayaan ang lalamunin at tutunawin ng political dynasties.
Ang patuloy na panghihimasok ng Tsina sa ating mga nasasakupang karagatan at ang nakasasakal na panggigipit ng Tsina sa mga pautang nila sa atin ay naglalagay sa ating kalayaan sa panganib. Tayo ay bansang may kasarinlan na kinikilala ng ibang mga bansa. Ang magbiro na tayo sana ay probinsya ng Tsina ay hindi katawa-tawa; ito ay dagok. Ito ay mali.
Sino Ngayon ?
Kung kayo ay sumasang-ayon na ang anim na ating isinasaalang-alang ay kailangan ng ating atensyon, tingnan ninyo ang mga kandidato at magtanong:
Sila ba ang nag-utos na pumatay? Inaaruga ba nila ang mga sinungaling? Ang katotohanan ay hindi basta usaping pulitika; ito ay usaping moral. Ang dignidad ng tao ay higit pa sa political coalitions. Ito ay kalooban ng Diyos.
Sila ba ang TAGA-UTOS?
Sila ba ang nagdaragdag sa kasalukuyang problema ng 6 K’s? Sila ba ay aktibong pumapalakpak at nanghihikayat, pinagagana at sinusuportahan ang mga nagpapasimuno ng 6 Ks?
Sila ba ang TAGA-SULSOL?
Sila ba ay tila tahimik na sumusuporta at nagbibigay pahintulot upang ang 6 Ks ay maging masama o lumala pa?
Ang manahimik sa mukha ng kasamaan ay kasamaan (Bonhoeffer). Sila ba yong mababait pero TAHIMIK sa masama? Walang paninindigan? Mas pinipili ba nila ang maging ligtas kaysa tumayo sa katotohanan, soberenya at dignidad ng tao?
Taga-utos? Taga-sulsol? Tahimik?
Hahatulan tayo ng Diyos paano tayo boboto. Hahatulan tayo ng ating mga anak kung papaano tayo boboto. Ang halalang ito ay mahalaga para sa kanila. Isipin ninyo sila.
Mag-ingat kayo. Maging mapanuri. Magpakatapang. Papaano kaya boboto si Kristo? Bumoto katulad ni Kristo.
Huwag ninyong iwanan si Kristo sa altar pagkatapos ng Misa. Isaalang-alang ninyo ang inyong pananampalatayang Kristiyano kapag kayo ay boboto.
Nawa ang ating Mahal na Ina na nagpakita sa tatlong bata sa Fatima ang gumabay at magturo sa atin ng mukha ng kanyang mapagmahal na Anak.
Mula sa Katedral ng San Juan Ebanghelista, Dagupan City, ika-28 ng Abril, 2019, Linggo ng Awa ng Dyos.
+SOCRATES B. VILLEGAS
Archbishop of Lingayen Dagupan